Ibong Adarna

Pangunahing Tauhan

§   Ibong Adarna – mahiwagang ibon
§  Haring Fernando – pinaka makapangyarihang hari
§  Don Pedro – panganay na may pag-inggit kay Don Juan.
§  Don Diego – pangalawa at sunudsunuran kay Don Pedro
§   Don Juan – ang bunso at determinadong anak

Ibang pang Tauhan

§  Donya Leonora – ang prinsesa na iniligtas ni Don Juan sa serpyente; kapatid ni Donya Maria Blanca.
§  Donya Juana – ang kapatid ni Donya Leonora at prinsesang ikinulong sa balon. nagbabantay sa kanya ay isang higante.
§  Donya Maria Blanca – ang prinsesa ng Reyno Delos Crystal (Kaharian ng mga Kristal). Siya ay mas makapangyarihan pa kay Haring Salermo. May Taglay na Mahika Blanka
§  Serpyente – isang ahas na may pitong ulo. Ito rin ang nagbabantay kay donya Leonora.
§  Higante – ang tagapagbantay ni Donya Juana.
§   Donya Isabel – ang kapatid nina Donya Juana at Donya Maria
§  Olikornyo – isang mahiwagang malaking ibon. Alaga ng 500 taong matanda na nakasalubong ni Don Juan sa paglalakbay.
§  Haring Salermo – ama nina Prinsesa Juana, Isabel at Maria Blanca. May taglay na mahika at maitim ang kutis
§  Matandang leproso – ang matandang tumulong kay Don Juan
§  Reyna Valeriana – ina nina Don Juan, Diego, Pedro
§  Ermitanyo – tumulong kay Don Juan
§  Lobo – ang hayop na alaga ni Donya Leonora na gumamot at tumulong kay Don Juan noong siya'y pinag kaisahan at pinagtulungan nila Don Pedro't Don Diego.
§  Malaking agila – nagsakay kay Don Juan upang makapunta sa Reyno Delos Crystal. Alaga ng 800 taong matanda na nakasalubong ni Don Juan sa paglalakbay

Buod

Sa isang mapayapang kaharian ng Berbanya, may isang hari na ang pangalan ay Don Fernando, ang kanyang asawa ay si Donya Valeriana. Sila ay may tatlong anak na lalaki. Ang pinakamatanda ay si Don Pedro, ang ikalawa ay si Don Diego at ang bunso ay si Don Juan.

Isang gabi, samantalang natutulog si Don Fernando, nagkaroon siya ng isang masamang panaginip at siya ay nagkasakit. Ang kanyang panaginip ay tungkol kay Don Juan, siya daw ay inihagis sa isang balong malalim ng dalawang lalaki. Kinabukasan, ipinatawag ang lahat ng manggagamot sa Berbanya upang gamutin ang hari, ngunit walang makapagpagaling sa kanya. Hanggang isang ermitanyo ang dumating at nagsabi na ang tanging makapagpapagaling sa kanya ay ang pitong awit ng Ibong Adarna. Ang Ibong Adarna ay matatagpuan sa puno ng Piedras Platas sa Bundok ng Tabor. Inutusan ng hari ang kanyang dalawang anak na lalaki upang hanapin ang Ibong Adarna, si Don Pedro at si Don Diego, ngunit sila ay nabigo sa paghahanap sa Ibong Adarna. Dahil sa labis na pagod, sila ay nakatulog sa ilalim ng isang puno na kumikislap ang mga dahon na parang diamante. Kapag dumapo ang Ibong Adarna sa kalaliman ng gabi ito ay umaawit at pagkatapos ay dumudumi. Nang mapatakan ng dalawang prinsipe ang dumi ng ibong Adarna, sila ay naging bato.

Lumipas ang tatlong taon ngunit hindi na nakabalik ang dalawang prinsipe, dahil dito natakot si Don Fernando na utusan ang kanyang bunsong anak na si Juan dahil baka magkatotoo ang kanyang panaginip. Ngunit nagpumilit si Juan na hanapin ang Ibong Adarna. Samantalang si Juan ay naglalakbay upang hanapin ang ibon, nakita niya ang isang ketongin na humingi sa kanya ng pagkain. Dahil si Juan ay may magandang kalooban, ibinigay niya ang kanyang kahuli-hulihang baon na tinapay sa matandang lalaki na ketongin. Dahil dito, tinulungan siya ng ketongin kung papaano matatagpuan ang Ibong Adarna. Sinabi nito na mayroong isang maliit na bahay malapit sa bundok kung saan nakatira ang isang Ermitanyo na magbibigay sa kanya ng kaalaman kung papano mahuhuli ang Ibong Adarna. At ibinilin din ng matanda na huwag siyang hihimlay sa isang puno na kaiga-igaya ang anyo.

At nagtungo si Juan sa bahay ng ermitanyo, pinatuloy naman siya sa bahay ng ermitanyo at inanyayahang kumain. Nagulat si Juan nang makita niya na ang pagkain na inaalok sa kanya ay ang kanyang tinapay na ibinigay sa ketongin. Kaya't inisip ni Don Juan na ang ermitanyo at ang ketongin ay iisa. Binigyan ng ermitanyo si Juan ng pitong dayap, matalim na labaha, at gintong sintas. At kanyang sinabi na tuwing kakanta ang Ibong Adarna, kailangan sugatan niya ang kanyang katawan at patakan ng katas ng dayap ang sugat upang hindi sya makatulog. Kailangan din niyang umiwas kung ang ibon ay dumumi pagkatapos umawit ng pitong awit. At kapag nahuli na niya ang Ibong Adarna, dapat talian niya ito ng gintong sintas na ibinigay sa kanya ng Ermintanyo.

Naging matagumpay si Don Juan na makita at mahuli ang Ibong Adarna ayon sa bilin ng matanda. Dinala niya ang Ibong Adarna sa bahay ng Ermitanyo na doon ay inilagay sa isang hawla ang ibon. Kanya ring nailigtas ang kanyang dalawang kapatid nang buhusan niya ito ng tubig ayon sa utos ng ermitanyo. Ngunit sa kabila ng mga ito, naiingit si Pedro kay  Juan at sinabi niya kay Diego ang kanyang masamang balak kay Don Juan. Sumang-ayon si Diego sa masamang balak ng kanyang kapatid. Kanilang sinaktan si Don Juan hanggang siya ay mawalan ng malay. Kinuha nina Pedro at Diego ang Ibong Adarna at dinala sa hari. Pagdating nila sa hari hindi umawit ang ibon. Samantala, nagdasal si Juan dahil sa hindi siya halos makagapang sa bugbog na tinanggap mula sa dalawang kapatid. Isang matanda ang tumulong sa kanya at siyay hinilot hanggang gumaling. Dagli-dagli siyang umuwi at sa kanyang pagdating sa kaharian nagpalit agad ng balahibo ang ibon at bigla itong umawit. Ang kanyang pitong mga awit ay patungkol sa ginawa ng dalawang prinsipe kay Juan, na doon din gumaling ang hari. Nais ni Don Fernando na parusahan ang kanyang dalawang anak dahil sa kanilang ginawa kay Juan, nguni't paglao'y nagbago din ang kanyang isip dahil sa paki-usap na rin ni Juan.

Ngunit isang gabi na nagbabantay si Juan sa ibong Adarna, siya ay nakatulog at hindi namalayan na pinakawalan nina Pedro at Diego ang Ibon at lumipad ito papalayo sa kaharian ng Berbanya. Ipinasya ni Juan na umalis at magpunta sa bundok ng Armenia dahil sa takot na siya ang pagbintangan na nagpalaya sa ibon. Ngunit siya ay ipinahanap ng hari sa kaniyang dalawang kapatid. Natagpuan ni Pedro at Diego si  Juan sa Armenia. Sa kanilang paglalakbay pabalik, nakakita sila ng isang balon, sila'y bumaba doon ngunit tanging si Juan lang ang nakaabot sa pondo ng balon at sa ibaba nito nakita niya ang isang napakagandang ginintuang palasyo. Doon nakita din niya ang mga magagandang prinsesa na si Juana at Leonora, nguni't sila ay binabantayan ng serpente na may pitong ulo at higante. Napatay ni Juan ang higante at ang serpente. Dahil doon, sumama sila Prinsesa Juana at Leonora kay Juan palabas ng balon, nguni't naiwan ni Leonora ang kanyang singsing sa isang mesa. Dagling binalikan ni Juan ang singsing, nguni't sampung dipa pa lamang si Juan patungo sa ilalim ng balon ay dagling pinutol ni Pedro ang lubid. Nahulog si Juan sa ibaba ng balon at siya'y labis na nasaktan. Subalit inutusan ni Leonora ang kanyang alagang lobo upang tulungan si Juan at sila ay umalis na patungo ng Berbanya.

Nang makarating sa Berbanya, Si Diego ay ikinasal kay Juana, ngunit si Prinsesa Leonora ay humingi ng pitong taon bago magpakasal kay Pedro. Si Juan naman ay nakaligtas na rin mula sa balon sa tulong ng lobong alaga ni Leonora, nakuha na rin niya ang singsing nito. Samantalang siya'y pabalik na sa Berbanya, nakatulog siya sa ilalim ng isang puno na siyang pagdating ng Ibong Adarna. Nguni't siya ay nagising at nirinig ang awit ng ibon tungkol sa isang mas magandang prinsesa na si Maria Blanca na anak ni Haring Salermo ng kaharian ng Delos Cristal. Nang marinig niya ito, siya ay nagpasya na hanapin ang kaharian ng Delos Crsital. Nguni't hindi niya ito matagpuan hanggang maglakbay siya sa ikapitong bundok upang hanapin ang isang ermitanyo na may edad na 500 subalit hindi rin alam ng ermitanyong ito ang Delos Cristal, kaya ipinasya ng ermitanyo na siya'y papuntahin sa ikapitong bundok upang hanapin ang isang ermitanyo na may edad na 800, sa tulong ng isang agila na sinakyan ni Juan, siya'y nakarating sa kaharian. Ngunit binilin ng agila na dapat siya magtago kung ang tatlong prinsesa ay maliligo tuwing ikaapat. Pagkagayon itinago ni Juan ang damit ni Maria at pagkatapos maligo nito hinanap ni Maria ang kanyang damit ngunit paglipas ng isang oras ay nagpakita na rin si Juan at ipinahayag ang kanyang malinis na layunin sa prinsesa. Gayunpaman, hindi nagalit ang prinsesa at ibinilin niya ang kanyang gagawin kapag siya ay makita ni Haring Salermo.

Sinubok ni Haring Salermo si Juan, naging mahigpit ang mga pagsubok na ibinigay ni Haring Salermo kay Juan. Ang unang pagsubok ay ang pagtibag ng bundok, pagpapatag nito at pagtatanim ng trigo na kinakailangan kinabukasan ay may mainit na tinapay na magagawa kaagad si Juan at maibibigay sa hari. Ang ikalawa ay ang paghuli sa 12 negrito na pinakawalan sa karagatan. Ang ikatlo ay ang paglalagay ng bundok sa gitna ng dagat at gagawing kastilyo, na bandang huli ay kanya ring pinaalis ang kastilyong ito upang makita ang nahulog na singsing ng hari sa karagatan. Ang pinakamahirap ay ang paghahanap nito ng singsing ng hari na kanyang pinaghati-hati ang katawan ni Maria upang hanapin ang singsing ng hari, dahil dito nawala ang isa sa mga daliri ni Maria. Gayunpaman, lagi nitong napagtatagumpayan ang lahat ng pagsubok ng hari sa tulong na rin ng Mahika Blanka ni Donya Maria. Dahil doon napilitan si Haring Salermo na ipakasal ang isa sa kanyang mga prinsesa Ang napili ni Juan ay si Maria kahit hindi ipinakita sa kanya ang mukha ng prinsesa. Dahil na rin sa naputol na daliri ni Maria bilang naging palatandaan ni Juan sa kanya. Nang malaman ni Haring Salermo na matagal ng magkakilala sila Juan at Maria nagalit siya at kanyang isinumpa ang anak na si Donya Maria. Ang sumpa ay makakalimutan ni Juan si Maria at pakakasal ito sa iba.

Dagling umalis sina Juan at Maria patungo sa Berbanya. Nang malapit na sila Juan at Maria sa kaharian ng Berbanya pansamantalang iniwan ni Juan si Maria sa labas ng kaharian. Ngunit ng malaman ni Leonora na dumating na si Juan, siya'y lumapit kay Juan at nakalimutan ni Juan si Maria. Doon itinakda ang kasal nila Leonora at Juan, ngunit nang dumating si Maria, namangha siya sa napipintong kasal ng dalawa kaya siya ay humiling ng isang palaro na naging dahilan upang maalala ni Juan ang kanilang nakaraan ni Maria. Isang negrito at negrita ang inilabas ni Maria. Sa tuwing papalo ang negrita, hindi nasasaktan ang negrito. Ang nasasaktan ay si Juan. Unti-unting nagbalik ang ala-ala ni Juan at sila ay nagpakasal ni Maria. Samantalang si Leonora naman ay nagpakasal kay Pedro. Pagkaraan nito umuwi sila Don Juan at Donya Maria sa Delos Cristal at sila ang tinanghal na Hari at Reyna sa kaharian. Pinamunuan nila ang kaharian na makatao, makatarungan at makaDiyos na pamumuno. Dahil dito sila'y minahal ng taong-bayan.


No comments:

Post a Comment