Pangunahing Tauhan
§ Florante – ang
pangunahing bida ng Florante at Laura, at halos lahat ng mga bahagi ng salaysay
ay umiikot sa kanya. Anak ni Duke Briseo, siya ay ang mang-iibig ni Laurang
Prinsesa ng Kaharian ng Albanyang namataan ni Florante bago siya sumabak sa
isang digamaan nang ang bayan ng kanyang inang, si Prinsesa Floresca, Krotona
ay sinakop ng mga Morong Persyano. Mula sa kagitnaan hanggang sa bandang
katapuasan ng salaysay, siya ang nagsasalaysay. Ito ay isinasalaysay niya kay
Aladin, ang Morong nagligtas sa kanya mula sa mga leon nang siya ay
nakagapos pa dahil sa Konde Adolfo.
§ Konde Adolfo – isa
sa mga pangunahing kontrabida nito. Anak siya ng Konde Sileno, at pareho silang
nagmula sa Albanya. Unang nagkita sina Konde Adolfo at Florante sa Atenas kung
saan nag-aral sila pareho. Nangangagwat ang kanilang gulang nang dalawang taon,
kung saan si Adolfo ang mas matanda. Noong kakarating pa lamang ni Florante sa
Atenas, si Adolfo ang pinakasikat na mag-aaral doon. Ito ay buhat ng kanyang
angking talino at "kabaitan". Ngunit habang tumatagal ang panahon,
unti-unti ring napunta kay Florante ang kapurihan ni Adolfo. At dahil dito,
pinagtangkaan pa nga niyang patayin si Florante sa isang dula-dulaan, na
nagdulot ng pagkakita sa lahat ng kanyang pagbabalat-kayo, at pagpapaalis sa
Atenas pabalik ng Albanya sa ilalim ng utos ng kanyang gurong si Antenor.
§ Aladin – isang
Morong Persyanong tumulong kay Florante, at nagligtas ng kanyang buhay. Ang
kanyang ama ay si Sultan Ali-Adab na siya ring umagaw sa kanyang kasintahang si
Flerida. Si Aladin at Florante ay nagkita nang hindi sinasadya, at karamihan ng
mga bahagi ng awit ay isinasalaysay sa kanya ni Florante. Siya rin ang idolo ni
Florante bilang pinakamagaling na mandirigma, ngunit sa kanilang pagkikita ay
hindi alam ni Florante na ang kausap niya ay si Aladin, ang kanyang idolo. Sa
katapusan ng awit, nang mamatay ang Sultan Ali-Adab ng Persya, siya na ang
naging sultan.
§ Laura – ang
minamahal nang lubos ni Florante. Anak ng Haring Linceo ng Albanya, siya ang
prinsesa ng kahariang ito. Siya ay nagmamay-ari ng lubos na kagandahang
ipinuring lubos ni Floranteng nadulot sa kanyang umibig kay Laura sa unang
pagkakakita pa lamang.
§ Sa simula ng awit,
siya ay ikaluluksa ni Florante dahil sa kanyang pag-aakala na nililo Laura sa
pagpapalit sa kanya kay Konde Adolfo.
§ Menandro – ang
matalik na kaibigan ni Florante sa Atenas na lumigtas din ng buhay ni Florante
mula sa mga tagang nakakamatay ni Adolfong kanyang tinaga nang kanyang
tangkaing patayin si Florante sa isang dula-dulaan nila sa kanilang paaralan sa
Atenas. Bukod pa sa pagliligtas ng buhay niya, marami pa siyang ginawa para kay
Florante, at noong sinakop ang Albanya nang makailang ulit, kasama siya ni
Florante sa pakikibaka.
§ Flerida – ang
kasintahan ni Alading inagaw mula sa kanya ni Sultan Ali-Adab. At sa
pagpapangakong pagpapakasal sa Sultan, napagpabago niya ang isip nito sa
pagbitay kay Aladin. Ngunit sa katotohanan, hindi niya tinupad ang pag-aako, at
tumakas sa araw ng kasal.
Iba pang Tauhan
§ Duke Briseo – ang
maarugaing ama ni Florante, at naglilingkod bilang sariling tanungan ng Haring
Linceo ng Albanya. Siya ay pinatay at ipinaghagisan ang bangkay nito ng mga
alagad ng Konde Adolfo nang kanyang agawin ang trono ng Haring Linceo.
§ Prinsesa Floresca –
ang ina ni Florante. Siya ay mula sa bayan ng Krotona, at maaagang namatay, na
nagdulot sa pag-uwi ni Florante mula sa Atenas pabalik ng Albanya.
§ Antenor – isang
guro sa Atenas nina Florante, Konde Adolfo at Menandro.
§ Menalipo – pinsan
ni Florante. Iniligtas niya si Florante mula sa isang buwitreng dadagitin siya sana nang
siyang isang sanggol pa lamang gamit ang kanyang pana at busog. Ipinapakita
nito na si Menalipo ay higit na mas matanda kaysa kay Florante.
§ Konde Sileno – ang
ama ni Konde Adolfong ayon kay Florante ay marangal.
§ Haring Linseo – ang
hari ng Kaharian ng Albanya, at ama ni Laura. Ang kanyang pamumuno ay nagtapos
nang mayroong kumalat na usap-usapan tungkol sa pag-uutos daw niyang harangin
ang imbakan ng trigo upang gutumin ang mga tao ng Albanya. Ang usap-usapang
itong pinasimulan ni Konde Adolfo ang nagpaalab ng mga damdamin ng mga tao sa
Albanyang nagdulot sa pag-aaklas nila. Ang pag-aaklas namang ito ang ginamit ni
Konde Adolfo upang maiupo ang sarili sa trono.
§ Sultan Ali-Adab –
ang sultan ng Persyang umagaw sa kasintahan ni Alading si Flerida. Siya ay
isang malupit na ama. Pinatawan niya ng kamatayan si Aladin, ang kanyang anak,
dahil daw sa pagkatalo niya sa Persya, ngunit ang totoong dahilan dito ay upang
makuha niya si Flerida mula sa kanyang anak. Ngunit hindi natuloy ang pagbitay
kay Aladin, nang nangako si Flerida na kanyang pakakasalan ang Sultan, isang
pangako na hindi rin natuloy nang tumakas si Flerida sa mismong araw ng kasal;
ang naging hatol na lamang kay Aladin ay pagpapatalsik mula sa Persyang
kailanman ay hindi niya mababalikan.
§ Osmalik – ang heneral
ng hukbong Persyanong sumakop sa Krotona sa ilalim ng utos ni Aladin.
§ Miramolin – pinuno
ng mga mananakop ng Albanya mula sa Turkiya.
Buod
Sa
simula ng awit ay makikita ang isang binatang nakagapos sa isang puno ng higera
sa gitna ng malawak na gubat sa labas ng kahariang Albanya na pinamumugaran ng
mababangis na hayop, nakalulunos na huni ng mga ibon, naglalakihang mga
punong-kahoy na may masasangsang na amoy. Ang binatang ito ay si Florante, anak
ng mag-asawang Duke Briseo at Prinsesa Floresca na kapwa taga-Albanya.
Nagkataon
namang sa gubat ding yaon ay napadako ang isang Morong taga-Persya na anak ni
Sultan Ali-Adab na dahil sa sama ng loob sa kanyang ama sa pagkakaagaw sa
pag-ibig ng kanyang kasintahan ay umalis sa sariling bayan. Ang mga panaghoy ng
nakagapos ay tungkol sa mga kasamaang nangyari sa kanyang bayan, ang pagkawala
ng kanilang mga karapatan, ang pangingibabaw ng katiwalian laban sa kabutihan,
ang akala niyang pagtataksil ni Laura, ang pagkapatay sa hari at mga kabig nito
kasama na ang kanyang ama ay narinig na lahat ni Aladin kaya tinunton niya ang
boses na pinanggalingan ng pananaghoy at gaano ang pagkamangha niya nang
makitang sisilain na lamang ng 2 leon ang binata. Hindi siya nagdalawang-isip
bagamat magkaaway ang kanilang bayan at hindi sila magkarelihiyon. Hindi siya
nagatubiling patayin ang 2 leon na nakaambang na silain si Florante.
Pagkatapos na mailigtas niya ang binata ay kinalagan niya ito ng gapos at
pinagyamanan sa buong magdamag.
Kinabukasan
hiniling ni Aladin kay Florante na nais niyang malaman kung bakit siya
napapunta sa gubat. Hindi naman nag-atubili ang una kaya’t isinalaysay niya
kung taga-saan siya, ang mahahalagang pangyayari noong siya’y bata pa at nang
siya’y 11 taong gulang na ay ipinadala sa Atenas upang mag-aral. Dito niya nakilala
ang kababayang si Adolfo, anak ni Konde Sileno ay tampulan ng paghanga ng
kanyang mga guro, sampu ng kanyang mga kamag-aral dahil sa katalinuhan ay
kagandahang-asal. Subalit sa loob ng 6 na taong pag-aaral ni Florante ay
nahigitan niya si Adolfo at dito na nahubdan ng balatkayo at lumabas ang tunay
na pagkatao nito. Lalo itong nahalata nang minsang magtanghal sila ng dula at
sa halip na sundin ang iskrip ay tinutoo ni Adolfo na ulusin ng taga si
Florante, salamat na lamang at nailigtas siya ni Menandro, ang pamangkin ng
gurong si Antenor. Kinabukasan ay pinauwi na si Adolfo sa Albanya.
Samantala,
namalagi pa si Florante ng 1 taon sa Atenas hanggang tumanggap siya ng sulat
buhat sa ama na nagbabalitang namatay ang kanyang mahal na ina. Laking sama ng
loob ang idinulot nito sa kanya. Pagkalipas ng 2 buwan ay isang sulat ang
kaniyang tinanggap na nagsasaad na umuwi na sa Albanya. Nagkataon naman nang
umuwi si Florante ay nanghihingi ng saklolo ang hari ng Krotona na nuno niya
sapagkat ang bayan nila ay sinasalakay ng hukbo ng Persyanong si Heneral
Osmalik. Ipinakilala ni Duke Briseo si Florante kay Haring Linceo at sa
pagpupulong ng mga pinuno ay nagpagpasiyahang si Florante ang namumuno sa
hukbong magtatanggol sa Krotona.
Samantalang
nasa palasyo si Florante, ay nakilala at naakit siya sa kagandahan ni Laura,
anak ng Hari at hindi tumugot hangga’t hindi niya naipagtapat ang kanyang
niloloob at bago siya nakipagdigma ay nagkaroon naman ng liwanag ang kanyang
niluluhog.
Naglaban
si Florante at Heneral Osmalik at sa loob ng 5 oras na paglalaban ay nagapi
niya ito. Limang buwan pa siyang nanatili sa Krotona. Nais niyang bumalik agad
sa kanyang bayan sapagkat sabik na sabik na siyang makita si Laura. Pagdating
niya sa Albanya ay namangha siya sapagkat ang bandilang nakawagayway sa
kanilang bayan ay bandila ng mga moro at lalo siyang nagulat nang magpasino
niya ang babaeng pupugutan na lamang ng ulo. Nabawi niya ang Albanya sa
pamumuno ni Aladin, nailigtas niya ang nasa bilangguang sina Hari Linceo, Duke
Briseo at Adolfo. Muling sinalakay ng pangkat ni Miramolin ang Albanya ay
nagaping muli ni Florante ang mga kalaban. Labimpito lahat ang hari na napasuko
ng binata.
Isang
araw samantalang nasa Etolya si Florante ay tumanggap siya ng sulat mula sa
hari na nagsasaad ng madaling pagbalik niya sa Albanya. Hindi niya akalain na
pagdating niya ay dinakip agad ng 30,000 sandatahan ay dali-daling ikinulong sa
bilangguan. Ang lahat pala ng naganap sa palasyo, ang pagpatay sa hari at Duke
Briseo ay pakana ni Adolfo. Ikinulong si Florante ng 18 araw ay pagkatapos ay
ipinag-utos na igapos sa loob ng gubat upang doon kainin ng mga mababangis na
hayop. Dalawang araw na siya sa gubat nang matagpuan siya ni Aladin.
Pagkatapos
ni Florante ay si Aladin naman ang nagsalaysay ng kaniyang buhay. Anak siya ni
Sultan Ali-Adab ng Persiya at kaya siya napadpad sa gubat na iyon ay dahil sa
sama ng loob sa kanyang ama na umagaw sa kanyang kasintahang si Flerida. Upang
masarili ng Sultan ang dalaga ay humanap ito ng butas upang siya ay
maparusahan. Ginawang dahilan nito ang pagkaiwan ni Aladin sa hukbo at sa
pagbawi ni Florante sa Albanya. Hinatulan ng sultan ang sariling anak na
pugutan ng ulo. Subalit hindi natuloy ito sapagkat nang gabing ito ay pinatapon
siya sa malayong lugar ay pinagbilinang kung nais pa niyang mabuhay ay huwag na
siyang magbalik sa Persya kailanman. Kaya simula noon ay 6 na taon na
siyang naglalagalag.
Habang
nagkukuwentuhan sina Florante at Aladin ay may narining silang nag-uusap na 2
babae. Ang sabi ng isa, nang malaman niyang papupugutan ang kanyang kasintahang
nasa bilangguan ay pumayag siyang pakasal sa Sultan. Pinawalan naman ito,
subalit nang gabi ring iton ay nagbalatkayo siyang gerero at tumakas. Marami na
ring taong siya ay naglilibot hanggang magtagpo silang 2 sa gubat. Anong
laking tuwa nina Florante at Aladin nang malamang ang nagsisipag-usap pala ay
sina Laura at Flerida.
Isinalaysay
naman ni Laura ang nangyari sa Albanya, samantalang nasa ibang bayan si
Florante – ang pagkakagawa ni Adolfo sa trono, ang pagpugot ng ulo ng hari at
sa mga kabig nito. Sinabi niyang pinadalhan niya ng sulat si Florante upang
ipahatid ang nangyari sa Albanya subalit ang natanggap ni Florante na sulat ay
sa hari na mahigit na nagbibiling umuwi siya sa Albanya. Ito ang naging paraan
kung paano nadakip si Florante. Samantala humingi si Laura ng 5 buwang taning
upang pag-aralan ang iniluluhog na pag-ibig ni Adolfo, kaya nang wala nang
paraan upang mahimok si Laura ay dinala ito sa gubat upang pagsamantalahan.
Nagkataon naman siyang pagdating ni Flerida kaya nang makita niya ang
kabuktutan ni Adolfo ay pinana niya si Adolfo hanggang ito ay mamatay.
Habang
nag-uusap ang 4 ay siya namang pagdating ng hukbo ni Menandro na ang hanap ay
si Adolfo. Nagsigawan ang hukbo nang nalaman buhay si Florante at Laura. Hindi
nagtagal at nakasal ang 2 at naging hari at reyna sa Albanya. Samantala sina
Aladin at Flerida, matapos magpabinyag ay pinag-isang dibdib at umuwi sa Persya
upang doon mamuno sa sariling bayan.