Kapatagan sa gitna ng bundok
Gulod na natatangi sa tuktok
Parang pinuno na nakaluklok.
Napapalibutan ng maraming bagay
Puno, bukirin, batis at halaman,
Iba–ibang anyo ng kalikasan.
Parang inakong ari-arian,
Nitong marikit na talampas
May sariling kanlungan.
Luklukan na malapit sa ulap
Daluyan ng tubig ulan
Umaagos sa lupa mula alapaap.
Lupa na tila isipan
Sumasalo ng tubig ulan
Upang
maibsan ang tigang na hinagap.
(para kay a.k.a. Payatola)
____________________________
Patag,
Pakurba-kurba,
Matayog.
Bulubundukin na lupain
Likha ng Maykapal
Natatanaw hanggang kalawakan.
Makikita ang kagandahan
Malaking kumpol ng lupa at bato
Na hindi makikilos.
Matibay na kalupaan
Malaking lupa na nakausbong
Noon at ngayon matatag na bundok.
Hindi matinag na pundasyon
Hinubog ng panahon
Nauna sa lahat upang maging gabay.
Gabay ng lahat
Sa ikalalago ng kaalaman
Hindi mo masusukat.
(para kay a.k.a. Babaylan)
Karagatan na malawak
Umaagos sa mga ilog
Parang laot ng anyong tubig.
Dagat na puno ng kayamanan
Sagana sa kaalaman
Iba-iba ang nalalaman.
Maalat na tubig
Bumubuhay sa isda at halaman
Nagbibigay lasa sa matabang na kumon.
Mga alon na tinatangay ng hangin
Sa kaliwa at sa kanan
Parang samu’t-saring ideya.
Binabahagi sa lahat
Nagmamarka sa puso at bait
Sa mangmang na looban.
Hampas ng alon sa dalampasigan
Tila karunungan na iniluluwa ng dagat
Nag-iiwan ng bakas sa isipan..
Bakas na pabagu-bago
Dulot ay talino
Huhubog sa talento.
(para kay a.k.a. Supremo)
No comments:
Post a Comment