High Blood (Maikling Kwento)

“Ma’am magdo-drop napo ako..” sabi ni Elaine sa kanyang guro.  
“Sige.. kailan?..” sagot naman ng guro.  
“Kahit huwag ka na magpasa ng drop-out form noted ko na yon.” sabi ni Mrs. Ruby. 
Gulat na gulat si Elaine sa sagot na iyon ng guro, 
hindi niya inasahan ang salitang ito na sasabihin ni Gng. Ruby na kaniyang adviser. 
Ang plano lang sana niya ay kumonsulta sa guro at hintayin ang payo nito 
O tanungin man lamang siya kung sa anong dahilan siya hihinto...,  
o kung ano ang problema niya?.., ngunit hindi gayon ang nangyari.
Kaya naman lalong nalungkot si Elaine at nawalan ng ganang mag-aral.

Kinabukasan nagpunta si Elaine sa bahay at galit na galit na nagkwento... 
“Putang-inang Mrs. Ruby yon! Walang kwentang teacher! 
Gago pala siya! Anong klaseng teacher siya?! Nagsabi ako na magdodrop na ako… 
ang sagot ba naman ay sige... kailan? Wala sa katinuan ang teacher na yon!.. 
walang pakialam sa estudyante niya!... akala ko tatanungin ako kung bakit pero ang sinagot sa akin ay sige.. kalian?.. Siraulo! Galit na sabi ni Elaine. High blood ang lola mo!.. sabi ko sa isip ko..
Marahil ay dahil na rin sa dami ng pait na kaniyang pinagdaan..

Unang taon sa sekondarya noon.. masaya ang pakiramdam dahil marami ang organisasyon na pwedeng salihan.., naisip kong sumali sa softball team ng paaralan.. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari.., dito pala maguumpisa ang kakaibang karanasan sa buhay estudyante.. Dahil sa paglalaro ng softball… nalipat ako sa mababang pangkat sa ikalawang taon ng high school sa pampublikong paaralan sa Marikina. Hindi madali na mag-adjust dahil mula nang magumpisa akong pumasok sa paaralan ay palaging mataas na pangkat at matataas ang grado ko.. maraming luha at gabi na iniiyakan ko ito.. At wala na akong nagawa kundi unti-unting tanggapin ang kapalaran sa lower section..

Sa lower section., masasaksihan mo ang estudyanteng lumiliban sa klase para lang mag digit (larong sugal na kapalit ay pera)… estudyante na imbes na aklat, panulat at papel ang dala ay nakatagong sigarilyo, alak na nakalagay sa coleman at chongkie (mariwana) na nakabilot sa papel ang bitbit. Karamihan din ay hindi plantsadong uniporme, pumapasok kahit walang baon, laging huli dahil kailangang magtrabaho para may pambili ng pagkain at baono kaya naman ay napuyat. Habang may ilan na sa kabila ng maraming problema sa pamilya ay nagpipilit pa rin na makatapos ng pag-aral. Sa kabilang banda naman ay ilang guro na namamalo ng ruler, nangungurot sa singit, namimingot ng tenga at kapag minalas-malas ka pa ay suntok at sampal ang aabutin mo… Guro na nagtitinda ng hamburger at papel, na kapag bumili ka ay karagdagang puntos at kung minsan ay hindi na pakukuhanin pa ng pagsusulit.. Guro na uutusan ka sa palengke para ibili siya ng pagkain na lulutuin para sa pamilya niya.. Guro na aalukin ka ng trabaho sa pag-aalaga ng apo niya.. Guro na may paborito sa klase.. At guro na uupo na lang at magpapalinis ng silid aralan kapag tinatamad nang magturo.. Hay nakakatawang buhay sa lower section...

Doon ko nakilala si Elaine Santos, morena, katamtamn ang taas.., mahusay magmemorya dahil isang kabanata sa science book ay kaya niyang imemorya sa loob lang ng isang araw... Ngunit mayroon din siyang kapintasan.. ang pagiging shoplifter.., ayon na rin sa kwento niya., madalas silang mag mall ng mga pinsan niya at magpuslit ng mga bagay na gusto nila lalo na ang “NBA Cards” na nagkakahalaga ng isang libong piso pataas na usong-uso noon. Hindi alintana ang gawain niyang iyon.. Naging magkaibigan pa rin kami. Nakita ko ang dahilan kung bakit niya iyon ginagawa, dahil palagi siyang pinapagalitan ng kanyang nanay at hindi pinapansin ng kanyang tatay.. Paraan niya iyon ng pagrerebelde .. Bukod dito ay hindi naman niya ako sinasama sa kanyang pagnanakaw o pagpupuslit ng kahit anong bagay. Lumipas ang ilang panahon at kami ay nasa ikaapat na taon na sa sekondarya, kahit nagkahiwalay kami ng pangkat ay naging magkaibigan pa din kami, tumaas ng kaunti ang pangkat ko samantalang siya ay napunta sa lowest section ng buong fourth year. hindi iyon naging hadlang., madalas pa din kaming mag-kwentuhan kahit hindi na kami magka-eskwela..

Noong araw nga na iyon ay dinalaw niya ako sa bahay at nagkwentuhan..
Pinakinggan ko muna siya at pagkatapos ay marahan na tinanong..
“Bakit ka ba kasi magda-drop eh, October na sayang naman matatapos na tayo...” 
Unti-unting pumatak ang luha ni Elaine at sumagot, “nalulungkot kasi ako.., 
hindi ko lang masabi sa iyo na nalungkot ako noong mapunta uli ako sa lower section, 
Ang dami daming section bakit sa last pa ako napunta?.. 
Noong third year tayo last section din ako.., tapos nagsikap ako hanggang maging top one sa klase… 
Sa pagasang tataas ng kaunti ang section ko tapos akalain mo last section pa din ako…, 
Samantalang yung mga hindi nakakapasa sa exam, tumaas ang section.. 
Napaka unfair ng sistema nila!.. kahit anong sikap wala silang pakialam sa iyo.. 
Mas priority nila ang section one at two! Tayong nasa mababang section tae sa mga Gagong teacher!. Nakiusap pa ako at pinaglaban ko yung grades ko noong third year,
tapos balewala lang sa kanila!.. hindi patas ang laban!...” aniya ni Elaine.

Batid ko na hindi madali para kay Elaine na tanggapin ito… Dahil nga nagsikap siya na mapataas ang grado para maipagmalaki niya sa kanyang magulang na hindi siya palaging sa mababang pangkat nakahanay… Hindi ko masabi sa kanya na pareho lang kami ng karanasan sa paaralan… 
Na mula pangkat dalawa ay nilipat ako sa pangkat walo, na pwede namang sa ika- tatlo, apat o ika-limang pangkat … “ang katuwiran ay manlalaro ka kasi eh!” na tila ba kapag player ay awtomatik na itatapon ka na sa  lower section.. kahit nakakasagot at nakakapasa naman sa pagsusulit... At para humupa ang tensyon ay niyaya ko na lamang siyang kumain ng ice cream katulad ng ginagawa ko para maaalis ang lungkot at hinanakit sa hindi maintindihang sistema ng mga guro sa paaralan..

Pagkatapos ng mga pangyayari ay nagbakasyon muna si Elaine sa kaniyang tiyuhin sa Buso-buso upang makalimot sa mga pangyayari. Dumating ang buwan ng Marso at nairaos ang aming pagtatapos, hindi pa din nagpakita si Elaine. Pagkaraan ng ilang buwan nagkita kaming muli ni Elaine at ibinalita niya na mag-aaral siyang muli at susubukan na makatapos ng pag-aaral sa sekondarya. 

Muli ay nagkita sila ni Gng. Ruby at tinanong siya..
“Magseseryoso ka na ba sa pag-aaral?” 
“Opo Ma’am…” malumanay niyang sagot sabay alis. 
Ayaw na niyang pagusapan pa ang nakaraan.

Dumating ang panahon na natapos din ni Elaine ang pag-aaral sa sekondarya kahit nahuli siya sa aming batch. Pinagpatuloy pa din niya ang pag-aaral na siyang mas mahalaga at hindi ang malungkot na pinagdaanan niya sa buhay sa lower section. Pagkatapos ay nagtrabaho muna siya at naghahanda naman para sa pagaaral sa kolehiyo sa kursong kriminology. Isang karanasang tungkol sa iba ibang buhay estudyante sa lower section na nagmulat sa akin tungkol sa maraming bagay..

No comments:

Post a Comment